Mag-aaral: Isang Pagtatanong
Wika ni Rizal - "Kabataan ang pag-asa ng bayan!"
Ang tanong ko naman - "Bakit hindi ninyo pinaghuhusay?"
Masasayang na lang ba ang lahat ng pinaghirapan
Ng ating bayaning naglaan sa inyo ng buhay?
Marami na ang nagbuwis, nag-alay ng kanilang buhay.
Kaya't kabataan, magsumikap kang tunay.
Tumulong, makialam, ibangon - dangal ng bayan.
Sa munting paraan, mayroon kang maibibigay.
Sa panahong lahat ay pabago-bago,
Naanod ka na rin ng mga kaisipang trapo?
Sa pag-unlad ng teknolohiya sa mundo,
Katauhan ba'y simbilis na ring naglaho?
Mangusap ka kabataan, ihayag ang kalooban.
Ningasan ang damdaming pinalalamig ng dayuhan.
Iwaksi ang mali, paliparin ang isipan.
Sa malayong pastulan, 'wag mandarayuhan.
Hahayaan bang kinabukasa'y maparam
Ng makamundong pagnanasa at adhikaing mapang-imbabaw?
Kailan magigising sa bangungot ng kawalang-pag-asa?
Hayagan na lang bang walang gagawin sa tuwina?
Oo nga't bata ka, hindi pa lubos na maasahan
Ngunit sa maliit na bagay ba'y wala kang maiiwan?
Ang mag-aral ba'y hindi malaking bagay
O ang nais mo lang, magliwaliw sa buhay?
Nasaan na ang ang kabutihang-asal
Na pamana ng lahi, salamin ng ugali?
Nalimot na ba ang magsumikat palagi
Sa pag-aaral na susi sa pagwawagi?
Tila inawan na ng tiyaga sa pagpapataas ng marka
Kaya naman ang grado puro pasang-awa.
Kontento ka na ba sa markang pasa lang
O tinanggap na lang na ang buhay ay tigang?
Nagbubunga ng ginhawa ang pag-asa.
Sa buhay ng tao, marami talagang mga abala.
Kung sa pag-aaral, magiging masipag
Ang aanihin mo'y kadakilaang namamayagpag.
Huwag paalipin sa simbuyong mapusok,
Kailan ka ng bansang ikaw lang ang itinatampok.
Kumilos ka't ibigay ang buong loob.
Bigyan mo ng pag-asa ang bayang hikahos sa lakas ng loob.
Sa isang hakbang, malayo ang mararating.
Dalhin mo kami sa mundong kaya mong abutin.
Gumising, lumaban sa hamon ng buhay.
May gagabay sa 'yo sa landasing makulay.
Natatakot ka ba sa mundong tatahakin
O ayaw mo lang magkamali't magkasakit?
Malalaman ba ang sagot kung walang gagawin
O magsisimula ka't sa sarili'y aalamin?
Comments
Post a Comment