Bakit Nahihirapan ang mga Mag-aaral sa Araling Panlipunan?

Ang Araling Panlipunan, bilang isang asignatura ay matagal nang tinitignan ng mga mag-aaral na mahirap, nakakabagot, at hindi interesanteng pag-aralan. Isa ito sa mga hamon na patuloy pa ring hinaharap ng mga kaguruan ngayong ika-21 siglo.
1.      Mahirap na asignatura ang Araling Panlipunan
Ang naturalesa ng Araling Panlipunan, partikular ang mga sub-kategoryang asignatura nito tulad ng kasaysayan ay nangangailangan ng malalimang pag-aanalisa sa mga naganap, nagaganap, at maaaring maganap sa kasaysayan ng tao at ng daigdig. Sa dami ng mga datos na pinag-aaralan at inaanalisa, nag-iiwan ito ng tendensiya para sa mga mag-aaral na makaranas ng kahirapan sa pag-intindi sa mga datos na ito dahil sa dami ng kailangan imemorya o kabisaduhin. Lumalabas tuloy na isang kabisaduhang asignatura ang Araling Panlipunan, na memorya lamang ang pinapalakas.
2.      Nakakabagot ang Araling Panlipunan
Madalas nakararanas ng pagkainip sa pag-aaral ng Araling Panlipunan ang mga mag-aaral dahil sa dami narin ng datos na itinuturo ng guro at sa hindi maayos na pagkakapresenta ng mga datos na ito. Madalas din na nagpapabasa lamang ang mga guro [bagaman hindi naman lagi ganito ang senaryo] na nagbubunsod sa mga mag-aaral na ayawan ang asignatura. Bagaman, mahalaga rin ang mapag-analisang pagbabasa sa mga datos sa kasaysayan, ang palasak na paggamit ng istratehiyang “maraming sulat bago ang pagtalakay” ay lalo lamang nagpapalala sa pagkabagot ng mga mag-aaral.
3.      Hindi interesanteng pag-aralan ang Araling Panlipunan
Nawawalan ng interes ang mga mag-aaral sa Araling Panlipunan dahil sa kakulangan sa presentasyon ng mga guro sa pagtuturo nito. Likas naman talaga sa mga mag-aaral sa sekundarya na hindi pa gaanong mahaba ang kanilang interes at motibasyon sa pag-aaral [bagaman hindi ito sapat na dahilan para bigyang-hustisya ang kawalang interes ng mga mag-aaral], ngunit ang galing ng guro na masustena ang atensyon ng mga mag-aaral sa mga aralin ay makakatulong nang malaki upang mapadali ang pagkatuto ng Araling Panlipunan.
            Bagaman ipinanunukala ng ika-21 siglong pagtuturo at pagkatuto na ang mga mag-aaral ay maalam na sa mga bagay-bagay at may kakayanan ng maanalisa ang mga datos mula sa iba’t ibang sanggunian, ang kakayahan ng guro na mas mapataas pa ang antas ng kamuwangan at pagkaunawa ng mga mag-aaral, sa madaliang pagkaintindi sa asignatura at mga mahirap na konsepto na makikita sa Araling Panlipunan ay mas makatutulong nang malaki. Madali ang pag-aaral ng anumang asignatura kung ang guro at mga mag-aaral ay magkatuwang at nagagampanang nang lubos ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng mga ininatakdang kumpetensiya sa pagkatuto ng asignatura.

Comments

Popular posts from this blog

Localization and Contextualization in Teaching K-12 Social Studies

Analysis on Child Protection Policy (DepEd Order No. 40, s. 2012)