Birtud-Istambay: Implikasyon sa Edukasyon ng mga Mag-aaral
Ang paaralan ay isang institusyon na nagsisilbing lundayan at pandayan ng kaisipan at pagkato ng mga mag-aral. Ito ay mabisang instrument sa pagkakamit ng tagumpay ng isang tao, kaagapay ang iba pang isteykholder ng edukasyon. Sa mga alituntuning ipinatutupad sa paaralan, nahuhubog ang pagkatao ng mga mag-aaral at ang pang-unawa nila sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa pagiging tao, pagpapakatao, at pakikipagkapwa-tao. Itinataas ng edukasyon ang antas ng kamuwangan at pagtanggap ng tao sa kanyang sarili at sa kapwa-tao.
Gaya ng winika ni Recto (2005), ang edukasyon ay isang mabisang pamamaraan upang akayin palabas ang tao mula sa kanyang kamangmangan at kakulangan ng kaalaman sa maraming bagay sa pamamagitan ng pag-aaral upang mapalago ang kanyang pagkatao.
Samakatuwid, mabisang instrumento ang edukasyon para mapalago ng mga mag-aaral ang kanilang pagkatao, pagkaunawa sa kanilang sarili, at pagpapahalaga sa kanilang kapwa.
Gayunpaman, dagdag pa ni Recto (2005), bawat tao ay may sariling kakayahan, pagtutol, emosyon, at karanasan. Ang mga ito ay kailangan ding tignan sa pansariling kaalaman at suriing mabuti habang ikinukumpara sa kaalaman ng iba at sa mga kaganapan sa nakalipas.
Bunsod nito, ang mga mag-aaral ay nakararanas din ng pagbabago sa kanilang kaisipan at pang-unawa sa mga birtud o pagpapahalaga. Hindi lahat ng mga mag-aaral ay malalim ang pag-unawa sa kung ano ang tama o mali, ang dapat o hindi, at ang may katuwiran o wala. Madalas ang kakulangan na ito ay nauuwi sa pagkakamali at paggawa ng mga bagay na taliwas sa polisiya at panuntunan ng paaralan.
May ilan talagang mga mag-aaral na maigsi ang motibasyon sa pag-aaral at madaling mainip. Ito ang nagbubunsod sa kanila na lumabas sa klase at pumunta sa ibang lugar. Ang iba naman ay pasimple ang atake, magpapaalam na magbabanyo pero may pupuntahan pang ibang lugar bilang pamatay-oras.
Ang pagiging istambay ay nag-iiwan ng negatibong impresyon tulad ng katamaran, pagsasawalang-bahala, at pasibismo. Sa kabilang banda, maganda ring alamin ang pinag-uugatan at kaligiran ng ugaling ito ng mga mag-aaral, sapagkat anuman pa man ang pag-uugali ng bata sa paaralan (mabuti man o hindi), ito ay may pinanggagalingan at pinag-uugatan na siyang dapat tuntunin ng guro upang higit na maunawaan at matulungan ang mga batang ito.
Sanggunian:
Recto, Angel S. (2005). Pilosopiya ng Edukasyon, Unang Edisyon. Manila, Phl: Rex Book Store, Inc., pp. 8-9.
Comments
Post a Comment