Nang Hamunin ng Kapalaran si Angelito
Ang edukasyon ay para sa lahat. Anoman ang edad, ito ay bukas sa sinomang nagnanais ng pagbabago at kaunlaran sa kanilang buhay. Marami ang napagkakaitan ng ganitong pagkakataon at tila nagiging pribilehiyo na lang sa iilan.
Sa isang balik-aral na estudyante, edarang 23, tila suntok sa buwan ang pagkakataon na makabalik muli sa sistema. Ngunit, ang bawat umpisa ay mahirap, tulad ng paghakbang ng isang bata sa unang pagkakataon -- maari kang madapa at masugatan. Totoo, masakit ang madapa ngunit ang kasakitang ito ay kinakailangang madam upang matutong bumangon sa bawat pagkakadapa.
Sa bawat pagkakamali at kabiguan, may puwang sa pagbabago. Tulad din ng isang anak na naligaw ng landas, 'pag naiwaksi ang pagkakamali at nagsisi, bukas-palad pa ring tatanggapin. Minsan, tama man ang intensyon, nagkakamali ma rin sa aksyon.
Iba ang paraan ng pakikitungo sa mga mas nakakabata sa mga mas nakatatanda. Hindi bulaan ang pakikitungo, dapat sinsero at matimbang. Bilang guro, ang hirap timbangin ang kapakanan ng mga mag-aaral na malaki ang agwat ng edad. Hindi maikakaila ang malaking pagkakaiba sa paraan ng pakikisalamuha, pag-unawa at pagtingin sa mga bagay-bagay. Para kang isang guro na namamangka sa dalawang ilog ng mag-aaral. Kailangan ng malawak na pasensiya at pag-unawa. Ngunit, may mga pagakataon na ang mga mag-aaral ay dumarating na sa puntong nagiging banta na sila sa isa't isa. Sa ganitong sitwasyon, mahirap magdesisyon at manimbang kung papaano masosolusyonan ang problema.
Malaki ang aking puso sa mga mag-aaral na sa kabila ng kanilang edad na hindi na akma sa kanilang grado ay buo pa rin ang loob na bumalik muli sa pag-aaral at subukang muli ang mailap nilang pangarap na makapagtapos sa pag-aaral. Subalit, ang pakikitungo sa kanila ay nangangailangan ng mas malawak na karanasan at pag-unawa.
Sa panuruang taong 2015-2016, ikinatuwa ko ang pagpasok at pagbabalik-aral na Angelito -- bantog sa kanyang mga hindi magagandang aktibidad nang siya ay nag-aaral. Ngunit, maganda na ang kanyang intensyon sa pagkakataong ito.
Likas sa kanya ang pagiging dominante dahil sa kanyang edad -- brusko magsalita, matalas na ang pag-iisip, nakapangangatwiran, at mature na ika nga. Ngunit sa kanyang matandang katauhan ay nagtatago ang isang bata na sabik sa edukasyon at pagkalinga ng paaralan. Isang musmos na naghahanap ng kaibigan at tila hinahanap pa ang kanyang sarili.
Mabait, masunurin, maaasahan, at may kakayahan. Ilan lamang iyan sa mga katangiang tila hinulma na ng panahon sa kanya. Mga katangian na masasabing naburda na sa kanyang pagkatalo. Ngunit kalakip nito ang isang persona na hindi maitatangging taglay pa niya at tulad din ng iba sa atin -- isang sarili na makagagawa rin ng mga pagkakamali at kasawian.
Napadadalas ang kanyang pagiging dominante at agresibo sa kanyang mga kamag-aral. KUYA kung siya ay tawagin kaya mahirap isipan na ang kuya ay nagiging malabis na sa kanyang mga kapatid. Nakadudurog ng puso ang mga insidenteng ang pagmamahal bilang kuya ay nagiging mapanakal na.
Sa huli, ang pagmamahal ay hindi nagmamaliw ngunit ang respeto ay umuundap tulad ng kandilang papaubos na ang aliwanag. Ang kasunod nito'y kalingawngaw ng hinaing nang magnasang lumaya at masilayan ang bagong umaga. Magbabago ang lahat. Magtatanong. Magsisiyasat. Magdedesisyon. Kailangan timbangin ang hustisya.
Sa huli, may susuko -- may magpaparaya.
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Hulyo 24, 2015
Sir Ryan,
Sir, sorry po sa lahat ng nagawa ko at sa mga kahihiyang dinala ko sa section po natin. Alam ko po disappointed kayo sa'kin. 'Yung pong ginawa ko kay Jayson ay para po sa ikakabuti niya. Hindi ko naman po alam na ikakasama niya at hindi ko po alam kung ano po [ang] pinagsasabi niya sa inyo Sir. Maraming salamat po sa inyo sa paggising sa akin at sa mga salitang sinabi n'yo sa'kin. Sir, sa inyo lang po ako nakaramdam ng importansiya at salamat po at naramdaman ko na may halaga pa rin po ako after ng mga nangyari da'kin at sa mga naging pagkakamali ko Sir. Hindi ko man masabi sa inyo ng personal, mahal ko po kayo bilang isang ama. Sir, salamat po talaga sa lahat-lahat po. Sa inyong ikakatahimik, sorry po talaga.
Angelito
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Masakit sa isang magulang na makitang nagkakasakitan ang kanyang mga anak. Ang anak ay anak -- gaano man sila kagulo, kakulit, katigas ang ulo, at kapasaway, laging may puwang sa ating mga puso na sila ay patawarin at bigyan pa ng isang pagkakataon. Ang pagmamahal ay hindi nagmamaliw at ito ay handang magpatawad at magbigay ng isa pang pagkakataon.
Ang proseso ng pagbabago ay matagal at mapaghamon, ngunit ang pusong-sinsero at tapat ay makapagsusumpong ng katiwasan ng isip at kaluwalhatian ng pagkatao.
Comments
Post a Comment