Gaya ng Tubig

Ang tubig, nagbibigay-buhay
Pumamatid sa uhaw
Pumapawi sa init ng araw
Kanlungan ng buhay-ilang

Ang tubig, malakas
Nakalulunod; nakakapaminsala
Yumayakap sa mundo
Minsa'y nakapaparam sa buhay dito

Ang tubig, laganap
Makikita kung saan-saan
Maging sa ilalim ng disyertong tigang
Maging sa polar ay nananahan

Ang tubig, malinaw at malabo
Minsa'y pwedeng manalamin
Minsan, may kadilimang angkin
Kalmadong masungit; mapagbigay na maramot

Ang tubig, napapagod
Pwedeng maubos
Wala ng naibibigay
Nagtatago sa kaila-ilaliman

Ang tubig, bumabangon
Manlabo ma'y lilinaw din kalaunan
Maubos ma'y makikita rin sa ibang paraan
Makakitil ma'y lundayan din ng buhay

---------------------------------------------------------------------------------------------------
Ang tao ay parang tubig. Ito ang bumubuo sa malaking bahagdan ng ating katawan, pumapatid sa ating uhaw, at nagbibigay-ginhawa. Minsan, para tayong tubig, gaanon man tayo kalinaw at kadalisay ang pagkatao, may pagkakataong nakakapanakit tayo ng kapwa. Kapag sobra na rin ang ating ibinibigay, para tayong tubig, nakalulunod at nakamamatay. Ang tao'y para ring tubig, likas ang kabutihan. Makikita mo ito kung saan-saan at handang magbigay-ginhawa.

Minsan, ang tubig ay para ring tao - may dalawang mukha. Minsan, mabait; minsan, mapaminsala na sa iba. Ngunit, gaano man kalakas tulad ng tubig, ang tao'y napapagod din hanggang sa wala ka ng maibigay. Hanggang sa wala ka ng magawa, kung hindi sumuko at tanggapin ang katotohanan na ang lahat ng bagay ay may limitasyon o hangganan.

Gayon pa man, ang tao tulad ng tubig, bumabangon. Gaano man kadilim ang pagdaanan ng tao at kalabo ang landas na kanyang tinatahak, darating ang panahon na siya'y maliliwanagan at magkakamit ng maaliwalas na buhay. Minsan ma'y nakagagawa siya ng pagkakamali, maaari siyang magbago. Minsan man, ang tao'y parang kontaminadong tubig na nakalalason, kapag siya'y dumaan sa proseso ng distilasyon at puripikasyon, siya'y magiging inumin muli na nagbibigay-buhay.

Anoman ang ating marating; anoman ang ating pagdaan, tayo sana'y maging tubig. Lumabo man at luminaw, ang tubig ay tubig pa rin. Salamat sa mga taong dumating sa ating buhay na parang tubig na tinuruan tayo kung papaanong magpakatotoo, magpakatao, at pahalagahan kung ano ang mayroon tayo.

Sa mga taong minsan ay para tayong naging tubig na pabigat at nakakapanakit, sana'y matanggap n'yo ang SORRY naming too big.

Comments

Popular posts from this blog

Localization and Contextualization in Teaching K-12 Social Studies

Analysis on Child Protection Policy (DepEd Order No. 40, s. 2012)

Bakit Nahihirapan ang mga Mag-aaral sa Araling Panlipunan?